10 MUNISIPYO, LUNGSOD SA BULACAN GINAWARAN NG SGLG AWARD

TUMANGGAP ng ika-7 Seal of Good Local Governance (SGLG) award ang Provincial Government ng Bulacan sa pangunguna ni Gob Daniel Fernando at Bise Gob. Alex Castro gayundin ang sampung munisipalidad at lungsod sa pangunguna nina Angat Mayor Reynante Bautista, DRT Mayor Ronaldo Flores, Marilao Mayor Henry Lutao, Plaridel Mayor Jocell Casaje, Baliwag City Mayor Ferdie Estrella, Pandi Mayor Enrico Roque, Pulilan Mayor Maritz Montejo, Guiguinto Mayor Agatha Cruz, Santa Maria Mayor Bartolome Ramos at Balagtas Mayor Eladio Gonzales sa ginanap na 2023 Seal of Good Local Governance National Awarding Cluster 2 sa The Manila Hotel, Metro Manila kamakailan. CONTRIBUTED PHOTO

LUNGSOD NG MALOLOS – Dahil sa epektibo at matapat na pamamahala ay tumanggap ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan kasama ang siyam na munisipalidad at isang lungsod ng Seal of Local Governance na iginawad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa ginanap na 2023 Seal of Good Local Governance National Awarding Cluster 2 sa The Manila Hotel, Metro Manila kamakailan.

Kasama nina Gobernador Daniel Fernando at Bise Gob. Alex Castro sina Mayor Enrico Roque ng Pandi, Mayor Reynante Bautista ng Angat, Mayor Paula Agatha Cruz ng Guiguinto, Mayor Jocell Casaje ng Plaridel, Mayor Vergel Meneses ng Bulakan, Mayor Ronaldo Flores ng Doña Remedios Trinidad, Mayor Henry Lutao ng Marilao, Mayor Maritz Montejo ng Pulilan, Mayor Bartolome Ramos ng Santa Maria, Mayor Eladio Gonzales ng Balagtas at Mayor Ferdie Estrella ng Lungsod ng Baliwag na kabilang sa 493 LGUs na nakapasa sa pamantayan para sa 2023 SGLG award.

Mula nang inilunsad ang SGLG noong 2014, consistent awardee ang Bulacan at nakakuha ng SGLG seal sa pitong magkakasunod na taon.

Tumanggap ang Bulacan ng P4,000,000.00 halaga ng SGLG Incentive Fund Subsidy na magagamit sa mga high-impact project sa lalawigan.

Samantala, kinilala naman ni Fernando ang pinagsama-samang pagsisikap ng Pamahalaang Panlalawigan na naging dahilan ng pagkakamit ng prestihiyosong parangal.

“Ang pagkilalang ito ay salamin ng ating sama-samang pangako sa epektibong pamamahala, napapanatiling pag-unlad, at kahusayan sa serbisyo. Talagang ikinararangal kong pamunuan ang isang komunidad na patuloy na itinataguyod ang mga prinsipyo ng mabuting pamamahala. Nawa ay maging inspirasyon ang milyahe na ito upang tayo ay patuloy na magtulungan para sa ikabubuti ng ating minamahal na Bulacan,” ani Fernando.

Kinilala rin ng The People’s Governor ang mga pagsisikap ng SGLG sa pag-udyok at paghamon sa mga pamahalaang lokal upang matugunan ang mga pamantayan na nagresulta sa mas produktibo at progresibong administrasyon na pakikinabangan ng kani-kanilang mga nasasakupan.

Hinamon naman ni DILG Secretary at Council of Good Local Governance (CGLG) Chair Benjamin C. Abalos, Jr. ang mga LGU sa buong bansa na magpatupad ng mas epektibong pamamahala.

“Mga kasama, sa gobyerno, mabilis ang improvement sa artificial intelligence, sa telecommunications, technology, medical and natural science. Huwag tayong papahuli rito, kaya nandito ang mga eksperto – na ang mga batayan natin ay lalo nating kunin ang tama, ibaba natin sa grassroots at i-capacitate natin ang bawat isa. Dahil ang ikatataas ng ating bansa ay tayo rin ang magdadala,” ani Kalihim Abalos.

Upang maging kwalipikado para sa SGL award, kinakailangan ng mga LGU na maipasa ang assessment criteria para sa iba’t ibang governance areas kabilang na ang financial administration; disaster preparedness; social protection and sensitivity; health compliance and responsiveness; sustainable education; business-friendliness and competitiveness; safety, peace, and order; environmental management; tourism, heritage development, culture, and the arts; at youth development.

(ELOISA SILVERIO)

174

Related posts

Leave a Comment