SAMPU na ang iniulat na namatay habang apat ang sugatan bunsod ng naranasang epekto ng Low Pressure Area sa bahagi ng Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Mimaropa, Northern Mindanao, Davao at BARMM.
Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, umakyat na sa halos 300,000 indibidwal ang naapektuhan ng mga pag-ulan at bahang dulot ng Low Pressure Area ngayong Enero.
Nabatid mula sa NDRRMC, apektado ng masamang panahon ang 69,308 pamilya o 291,826 indibidwal sa Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Mimaropa, Northern Mindanao, Davao at BARMM.
Habang 784 pamilya o 3,224 katao ang kinailangang ilikas bunsod ng mga pagbaha dulot ng sunod-sunod na mga pag-ulan.
Kasabay nito, nilinaw ng NDRRMC na sampu ang naitalang namatay at hindi 11 gaya ng unang naisulat at karamihang sanhi ng kanilang kamatayan ay pagkalunod. (JESSE KABEL RUIZ)
