1,254 mga armas nasamsam PNP-PRO5 AGRESIBO KONTRA LOOSE FIREARMS

TULOY-TULOY ang pag-iskor ng Police Regional Office 5 sa kanilang pinaigting na kampanya kontra loose firearms. Kasunod nito ay 1,254 sari-saring undocumented small firearms at light weapons ang nasamsam simula Enero 1 hanggang Nobyembre 30, 2021.

Ayon kay PNP-PRO5 Public Information Office chief and spokesperson, P/Major Malou Calubaquib, bunga ito ng malawakang pagsisikap ng mga miyembro ng PRO5 sa pangunguna ni Bicol PNP chief, P/BGen. Jonnel C. Estomo, na hulihin ang mga sangkot sa talamak na paggamit at pagbebenta ng mga ilegal na baril.

Sa kabuuan, 1,423 na operasyon ang naisagawa sa buong rehiyon kung saan 527 ang naaresto habang 290 ang sinampahan ng kaso ng paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, pahayag pa ni Maj. Calubaquib.

Kasama sa mga operasyon ang 317 law enforcement operations o pagpapatupad ng mga search warrant na naibaba ng korte; 21 checkpoints; 19 serbisyo ng warrant of arrests; 7 Oplan Bakal/Sita; 476 tugon ng pulisya; at 583 Oplan Katok.

Inihayag pa ni Calubaquib, sa kabuuang bilang ng mga nahuli, 516 ay mga sibilyan; 10 ay mga opisyal ng gobyerno; 1 sa serbisyo militar; 1 miyembro ng pulisya, at 1 dayuhan.

Samantala, 1,936 na baril ang itinurn-over sa iba’t ibang istasyon ng pulisya mula sa ilegal sa nag-iingat ng mga indibidwal.

Sa ibinigay na panahon, naglunsad din ang PRO5 ng ilang caravans upang matugunan ang pagproseso ng License to Own and Possess Firearms. Ang hakbangin na ito ay isang paraan upang mailapit ang mga serbisyo ng PNP sa komunidad.

Kaugnay ng nalalapit na halalan sa Mayo 9, 2022, lalo pang pinaigting ng PRO5 ang kampanya nito sa loose firearms bilang isang proactive na diskarte upang maiwasan ang iba’t ibang paglabag sa batas at kriminalidad sa paggamit ng hindi rehistradong baril.

Ang makabuluhang hakbang na ito ay sumasalamin sa matibay na pangakong binitwan ni PNP-PRO5 Regional Director P/BGen. Estomo na panatilihin ang kaligtasan ng lahat ng mga Bicolano at upang matiyak na ang pulisya ay nakikita, pinahahalagahan at nadarama sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pambihirang serbisyo sa mga taong sinumpaan nitong paglingkuran at protektahan. (JESSE KABEL)

135

Related posts

Leave a Comment