14 PRIVATE ARMIES BUWAG NA – AÑO

SA hangaring tiyaking maayos at mapayapa ang nalalapit na halalan sa Mayo ng susunod na taon, 14 private armed groups ang tuluyan nang nalansag National Task Force for the Disbandment of Private Armed Groups (NTS-DPAG).

Sa isang kalatas na ipinalabas ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process, kabilang sa private armies na nalansag ng pamahalaan ay yaong mga grupong namamayagpag sa malaking bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Bagama’t nahigitan ang target na limang grupo kada taon, nananatili namang banta ang iba pang private armed groups sa iba’t ibang panig ng bansa – kabilang ang mga lalawigan sa Luzon at Visayas kung saan una nang naiulat ang paghahari-harian ng private armies na ginagamit ng mga kilalang pulitiko sa tuwing sasapit ang eleksyon.

Paniwala ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na tumatayong chairman ng NTF-DPAG, malaking banta sa integridad ng halalan ang private armies na aniya’y ginagamit sa pananakot sa mga botante at maging sa mga nangangasiwa ng eleksyon.

Samantala, patuloy naman ang paghahari-harian ng isang private armed group ng isang sindikato sa likod ng pangangamkam ng lupa sa bahagi ng Cardona, Binangonan, Taytay at Angono sa lalawigan ng Rizal.

Batay sa mga naunang ulat, walang humpay ang ginagawang pagbabakod ng grupong pinamumunuan umano ng mag-asawang Guido mula sa bayan ng Cardona. Kabilang sa mga inaangkin ng nasabing grupo ay ang lupang kinatitirikan ng munisipyo ng Binangonan at maging mga tituladong pag-aaring nakatiwangwang sa bulubunduking bahagi ng nasabing bayan. (LILY REYES)

8

Related posts

Leave a Comment