15 CONFIRMED ELECTION RELATED VIOLENCE NAITALA

LABINDALAWANG araw bago ang nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Election, mas pinatindi ng Philippine National Police ang kanilang inilatag na security preparation matapos silang makapagtala ng 15 kumpirmadong election related violence.

Sa datos ng Philippine National Police, nakapagtala sila ng 85 insidente sa loob ng itinakdang election period para sa BSKE 2023 na gaganapin sa Oktubre 30, 2023, subalit umabot lamang sa 15 ang validated election-related crimes ang kanilang kumpirmadong naitala.

Ayon kay PNP Chief P/Gen. Benjamin Acorda Jr., ang 15 insidenteng may kaugnayan sa nalalapit na eleksyon, ay kinabibilangan ng 11 pamamaril, 2 kidnapping, 1 grave threat, at 1 indiscriminate firing.

Habang ang nabiktima naman ng mga ito ay anim na incumbent barangay captains, 1 incumbent barangay councilor, 2 kandidato sa pagka-barangay captain, 4 kamag-anak ng kandidato, 1 tagasuporta ng kandidato, at 4 sibilyan.

Subalit tiniyak ni Acorda na puspusan ang ginagawang pagsusumikap ng PNP upang masigurong magiging mapayapa ang idaraos na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa buong Pilipinas kung saan katuwang nila ang Armed Forces of the Philippines.

Nabatid na nakaalerto rin ngayon ang lahat ng Unified at Division commanders ng AFP para matiyak na magiging maayos at mapayapa ang gaganaping botohan lalo na sa mga kanayunan.

(JESSE KABEL RUIZ)

193

Related posts

Leave a Comment