LABING-LIMANG buhay na Bulakenyong beterano ang kinilala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Kapasiyahan Blg. 641-T’2023 na kumikilala sa katapangan at mahalagang partisipasyon ng mga beterano sa World War II sa ginanap na “Ika-80 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Bulacan Military Area (BMA) at Paggawad ng Parangal sa mga Beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig” kamakailan sa Bustos Gymnasium at BMA Park sa Bustos, Bulacan.
Labing-isa sa 15 miyembro ng Veterans Federation of the Philippine (VFP) ang dumalo at tumanggap ng plake ng pagkilala at kopya ng resolusyon kabilang sina Lolita G. Abela ng Santa Maria, Emilia G. Bautista, Restituto N. Enriquez at Gregorio G. Silvestre ng Bocaue, Serafin P. Layug ng Pulilan, Miguel E. Capiral ng Obando, Serafin V. Bernabe at Soledad M. Sanchez mula sa Lungsod ng Malolos, Segundo Y. Pamintuan ng San Miguel, Nazario V. Constantino, Emerita C. Salas at Emerenciana M. Santiago mula sa Lungsod ng Baliwag, Gelacio L. Dela Cruz ng Marilao, Nicolas E. Salamat ng Paombong at Leonardo S. Moya ng San Rafael.
Pinangunahan nina Bise Gob. Alexis C. Castro ng Bulacan, PVAO Asec. Restituto Aguilar na kinatawan si PVAO Administrator Usec. Reynaldo B. Mapagu; Punong Bayan Francis Albert G. Juan at Pangalawang Punong Bayan Martin SJ. Angeles ng Bustos at mga Bokal na sina Arthur Legaspi at Richard Roque na kinatawan ni chief of staff Ma. Cecilia Santiago, ang pag-aalay ng bulaklak sa harap ng bantayog ni Hen. Alejo Santos at pagkakaloob ng pagkilala sa mga gerilya ng WWII.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni PVAO Deputy Administrator Asst. Secretary Restituto L. Aguilar ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at ang Pamahalaang Bayan ng Bustos para sa kanilang ‘di-matatawarang suporta sa mga beterano.
“Nais kong pasalamatan ang Pamahalaang Lokal ng Bustos at ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan dahil sa inyong suporta sa ating mga beterano at sa inyong mga gawaing nagpapalawig sa kasaysayan ng ating mga beterano at mga Bayaning Bulakenyo. Patuloy po nating gunitain ang ating nakaraan. Ito po ang magbibigay sa atin ng karunungan. Ang kasaysayan ang siyang gabay sa ating pagtahak ng daan tungo sa mas mapayapa, malaya, at maunlad na bansa,” ani Aguilar.
Samantala, 13 pumanaw na miyembro ng VFP ang binigyan din ng pagkilala kabilang sina Lourdes R. Nepomuceno, Artemio C. Reyes at Camilo E. Lapat ng Lungsod ng San Jose Del Monte, Salvador M. Garingan at Marcelo G. Lorenzo ng San Miguel, Florencio D. Luat ng San Ildefonso; Cornelio S. Santos ng Marilao, Nicanor T. Santos ng Hagonoy, Tomas B. Mendoza at Pablo V. Sta. Ana ng San Rafael, Reynaldo C. Tobias ng Santa Maria at Cristina R. Viesca at Rosalina N. Villalobos mula sa Lungsod ng Meycauayan.
Ang BMA ay isang NHCP historical marker na itinatag sa ilalim ng East Central Luzon Guerilla Area. Ang historical marker ng BMA ay nagtatampok ng mga liham, memo, kautusan na nasulat mula 1943-1944 ukol sa gerilya at mga operasyon ng militar laban sa Japan na naganap sa nasabing lugar.
(ELOISA SILVERIO)
197