15K KAPALIT NG PERWISYO SA OIL SPILL SA OR MINDORO

PINAPIRMA ng waiver ang mga mangingisdang naapektuhan ng oil spill sa Oriental Mindoro noong Pebrero 28, na nagsasaad na hindi nila idedemanda ang may-ari ng MT Princess Empress kapalit ng P15,000.

Sa joint hearing ng House committee on ecology at committee on environment and natural resources isiniwalat ni ACT party-list Rep. France Castro ang nasabing waiver na itinanggi naman ng may-ari ng tanker.

“Nagpapapirma raw sa probinsya na hindi maintindihan ng mga tao ‘yung mga pinipirmahan. Pero ang malinaw doon na ni-report sa amin ay meron daw doong waiver na bibigyan daw sila ng one time na P15,000…at hindi na sila pwedeng magdemanda pa later on kapag nabigyan,” ani Castro.

Ayon kay Castro, hindi makatarungan na hindi mapanagot ang RDC Reield Marine Service, may-ari ng MT Princess Empress dahil sa tindi ng epekto ng oil spill sa kabuhayan, hindi lamang ng mga mangingisda kundi ng turismo sa Oriental Mindoro at karatig lalawigan.

P611-M nagastos

Uminit naman ang ulo ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., sa nasabing kumpanya matapos hindi makapagbigay ng impormasyon kung magkano ang makukuha nilang insurance para mabayaran nang maayos ang mga apektadong mamamayan at maging sa danyos na idinulot ng paglubog ng kanilang barko na nagdulot ng oil spill.

Ayon kay Barzaga, sa panig pa lamang ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay gumastos na umano ang mga ito ng P611 million sa food packs na ipinamigay sa mga apektadong pamilya subalit wala pang katiyakan kung magkano ang dapat bayaran ng RDC.

Ayon kay RDC Reield Marine Service President Raymundo Cabial, insured umano ng $1 Billion ang kanilang barko subalit nadismaya si Barzaga dahil hindi masabi ng opisyal kung magkano ang makokolekta ng mga ito para bayaran ang ginastos ng gobyerno at maging ang danyos sa kapaligiran.

Lumalabas na wala pang kasong naisasampa laban sa RCD gayung tatlong buwan na ang nakalipas simula noong mangyari ang oil spill.

“Pagod na po kami sa aming bayan. Gusto namin may managot na lang po. Sana makasuhan na po kasi sobrang tagal na. For three months wala pa rin pong nangyayari,” reklamo naman ni Pola, Oriental Mindoro Mayor Jennifer Cruz. (BERNARD TAGUINOD)

98

Related posts

Leave a Comment