16 DAGDAG SA CAMANAVA COVID DEATHS

UMABOT sa 16 katao ang namatay sa COVID-19 sa mga lungsod ng Malabon, Navotas at Valenzuela batay sa pinakahuling ulat ng health offices ng nasabing mga lungsod.

Ayon sa ulat, siyam ang namatay sa Valenzuela City at umakyat na sa 668 ang COVID death toll ng lungsod noong Setyembre 9, habang 1,820 ang active cases matapos na 273 ang gumaling ngunit 340 naman ang magpositibo sa virus.  Pumalo na sa 29,270 ang tinamaan ng COVID sa lungsod at sa nasabing bilang ay 26,782 na ang gumaling.

Limang COVID patients naman ang binawian ng buhay Navotas City at pumanhik na sa 472 ang COVID casualties sa fishing capital hanggang 11:59 pm noong Setyembre 8, habang 1,779 ang active cases matapos na 69 ang gumaling ngunit 91 naman ang nahawaan.  Sumampa na sa 15,646 ang nasapul ng pandemya sa siyudad at sa nasabing bilang 13,395 na ang nakarekober.

Dalawa naman ang iginupo ng pandemya sa Malabon City at 577 na ang pandemic fatalities ng lungsod habang 225 ang nadagdag na confirmed cases noong Setyembre 9. Sa kabuuan ay 18,625 ang positive cases sa Malabon, 1,115 dito ang active cases.

Umabot naman sa 192 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling at sa kabuuan ay 16,933 ang recovered patients sa lungsod.  

Nagkaroon ng pagbabago sa datos ng mga gumaling sa Barangay Maysilo dahil isa sa kanila ang muling nagkaroon ng COVID-19. Mula ay 465 magiging 464 na lamang ang mga gumaling sa barangay.

Wala pang inilalabas na COVID-19 cases update ang Caloocan City habang isinusulat ito. (ALAIN AJERO)

66

Related posts

Leave a Comment