19 PATAY, MAHIGIT 20 SUGATAN SA BSKE 2023 ELECTION PERIOD

UMABOT sa 19 katao ang namatay habang 20 naman ang nasugatan sa buong panahon ng election period para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.

Subalit ayon sa Commission on Elections, kasalukuyan pa nila itong bineberipika base sa datos at mga police report na nakalap sa buong bansa sa loob ng nasabing election period.

Sinasabing mas mababa ang nasabing bilang kumpara sa 2018 barangay polls.

Sa isang panayam, inihayag ni Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco, “…while the numbers were ‘quite low’ compared to the previous 2018 village polls, the figures were still a cause for concern.”

Sa hawak na datos ng COMELEC, may 29 na insidente umano ang naitala na nagresulta sa kamatayan ng 19 katao. Bukod ito sa 113 iba pang mga insidente na kasalukuyang pang bineberipika kung election related cases.

“For the confirmed injuries related to the elections, [there are] 19,” ani Laudiangco.

Subalit hindi inihayag kung kasama sa nasabing bilang ang lima katao na iniulat na namatay sa mismong araw ng eleksyon.

Isang oras bago magbukas ang halalan, may dalawang tao na kinilalang sina Juhaimin Ube, at isang alyas “Mistake,” ang pinagbabaril habang sugatan naman ang apat na iba pa na kinilalang sina Mohalidin Solaiman, Jerik Alon, Nasrudin Salik, at Harong Tating sa Barangay Bugawas, sa Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte.

Kinumpirma ni Bangsamoro Police Regional Director BGen. Allan Nobleza, binaril ang mga biktima habang papunta sila sa kanilang polling precincts.

Bago tuluyang nagsara ang botohan, may dalawang iniulat na namatay habang isa pa ang sugatan nang barilin ng isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) sa Lamitan City, Basilan.

Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina Barangay Chairman Jemson Cervantes na malubhang nasugatan habang dead on the spot naman si Kagawad Nadjuwal Antataha.

Napatay rin ni Cervantes ang namaril na CAFGU na si Emiliano Enriquez sa bahay ni Antataha na nasa labas lamang ng presinto

“We really have to improve this situation. We have to…normalize elections to the people that it must not result in any form of violence,” ani Laudiangco.

(JESSE KABEL RUIZ)

356

Related posts

Leave a Comment