1K PASAWAY SA MAYNILA NAITALA SA 24-ORAS

HALOS isang libong indibidwal ang naitala dahil sa iba’t ibang kaso at paglabag sa sari-saring mga ordinansa sa loob ng 24-oras sa Maynila.

Ayon sa accomplishment report na iniulat ni MPD Director P/BGen. Andre Perez, “The game changer” Dizon, ang malaking bilang ng mga nahuli ay dulot ng pinaigting na pagpapatrolya ng mga tauhan ng 14 istasyon sa distrito mula madaling araw ng Enero 7 hanggang madaling araw ng Enero 8.

Ang 12 bilang ng ikinasang mga operasyon ng MPD, ay may kinalaman sa bawal na droga, nakakumpiska ng 16.2 gramo ng umano’y shabu na may street value na P79,560.

Pinakamaraming naaresto sa paninigarilyo sa pampublikong lugar, 433;

kasunod ang 201 na lumabag sa Traffic Management Code Ordinance, at 200 ang lumabag sa ordinansa na nagbabawal sa paglalabas nang ‘half-naked’ sa pampublikong lugar.

Umabot sa 91 indibidwal ang dinampot dahil sa obstraksyon, 53 sa paglabag sa curfew, at 14 sa pag-inom ng alak at pag-ihi sa mga pampublikong lugar.

Dalawang operasyon naman ang ikinasa kontra sa ilegal na sugal at pitong suspek ang nadakip, habang 10 wanted sa batas ang nasilbihan ng warrant of arrest sa ikinasang 10 operasyon ng MPD. (RENE CRISOSTOMO)

31

Related posts

Leave a Comment