1K residente ng 2 barangay apektado PAGBABAKOD SA KOMUNIDAD SA QUEZON, PINAIIMBESTIGAHAN

HINIHILING ng mga opisyal ng isang barangay sa bayan ng Sariaya, sa lalawigan ng Quezon na imbestigahan ng Department Environment and Natural Resources  (DENR) at ng lokal na pamahalaan ang pagbabakod ng isang korporasyon na umano ay nag-aangkin ng malawak na lupain sa kanilang lugar.

Ayon sa sulat ni Barangay Chairman Benedicto Robo ng Barangay Guis-Guis San Roque, isa sa dalawang barangay na nasakop ng bakod, sakop ng “salvage zone” o easement ng dagat at pangitlugan ng mga endangered na pawikan ang baybaying dagat na kasama sa nabakuran.

Wala aniyang ginawang konsultasyon sa mamamayan at wala ring permiso mula sa kanilang barangay ang ginawang pagbabakod ng korporasyon na umano ay nag-aangkin sa lupa.

Hinihiling nila sa mga kinauukulan na agad itong maipatigil bilang pagsunod sa DILG memorandum circular number 2022-018 na nagsasabing responsibilidad ng lokal na pamahalaan ang pagsisiguro ng pagpapatupad ng Philippine Environment Impact Statement System o PEIS.

Mandato rin aniya sa LGU at nakasaad sa General Welfare Clause ng RA 7610 o Local Government Code, ang kaligtasan ng mamamayan at kalikasan.

Sa pagbabakod ng korporasyon na nag-aangkin ng lupain na pinamumunuan ng isang Filipino Chinese businessman sa Quezon, ay apektado ang 1,000 residente ng mga Barangay Guis-Guis Talon at Guis-Guis San Roque.

Limang araw matapos na harangan at ikandado ng mga security guard ng lupain ang dalawang daanan ay wala pa ring ginagawang aksyon ang pamahalaang bayan ng Sariaya para mapigil ang namumuong tensyon sa lugar.

Samantala, ayaw namang magsalita ng mga kinatawan ng umano’y may-ari ng lupa at tumanggi rin ang mga ito sa hiling ng mga residente na magharap sila para mapag-usapan ang problema. (NILOU DEL CARMEN)

25

Related posts

Leave a Comment