1K TURISTA SA SIARGAO, APEKTADO KAY ODETTE

MAHIGIT 1,000 domestic tourist sa Siargao Island sa Surigao del Norte ang naapektuhan nang manalasa ang bagyong Odette noong Disyembre 16.

Ito ang kinumpirma ni Agusan del Norte Rep. Francisco Jose “Bingo” Matugas II sa media kahapon, kung saan 600 pa lamang sa mga turistang ito ang nailikas habang ang mahigit 400 ay nasa isla pa dahil sa problema sa transportasyon.

Ang Siargao Island ang surfing capital ng Pilipinas na dinarayo, hindi lamang ng mga dayuhan kundi ng mga local tourist.

Bukod sa mga turista, 99% umano sa 180,000 populasyon ng Siargao Island ang apektado kaya patuloy na humihingi ng karagdagang tulong ang mambabatas para sa mga ito.

Kabilang sa balakid sa paglilikas sa mga turista ay ang pagkasira ng Siargao Airport terminal at wala pa rin aniyang kuryente sa isla hanggang ngayon.

19 patay

Kinumpirma rin ng mambabatas na umaabot sa 19 katao ang namatay sa nasabing isla nang manalasa ang bagyong Odette kung saan sa nasabing Isla unang nag-landfall ang bagyo.

“Wala akong exact numbers sa Surigao City saka ‘yung 11 municipalities doon sa mainland. Ang numero ko dito sa Siargao. Nineteen sa buong Siargao ang casualty,” ayon sa mambabatas.

Sa ngayon ay limitado umano ang communication dahil hindi pa naibabalik nang 100% ang linya ng komunikasyon na kabilang sa mga nasira nang manalasa ang bagyong Odette. (BERNARD TAGUINOD)

133

Related posts

Leave a Comment