CAVITE – Hinihinalang naburyong ang isang ina kaya pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang kanyang 4-anyos at 3-anyos na anak saka tinangkang magpakamatay sa pamamagitan ng paglaslas sa kanyang leeg sa bayan ng Magallanes sa lalawigang ito, nitong Lunes ng umaga.
Nilalapatan ng lunas sa ospital si Clarisse Tapang y Romalte, 26, may live-in partner, ng Brgy. Pacheco, Magallanes, Cavite, suspek sa pagpatay sa dalawa niyang anak.
Ayon sa ulat ni Police Corporal Kervi G. Lopez ng Magallanes Municipal Police Station, dakong alas-9:40 ng umaga nang makatanggap sila ng tawag hinggil sa insidente sa nasabing barangay.
Agad silang nagresponde at naabutan ang dalawang bata na wala nang buhay makaraang pagsasaksakin ng kanilang ina.
Isinugod naman sa ospital ang ina na nilaslas ng cutter ang kanyang leeg.
Sinasabing naburyong ang suspek dahil sa problema nito sa kanyang mga utang.
(SIGFRED ADSUARA)
264