POSIBLENG alisin ang dalawang commissioner ng Commission on Higher Education sa pamamalakad sa state universities colleges sa sandaling mapatunayang sangkot sa katiwalian.
Sa budget hearing ng CHED, kinumpirma ni Chairman Prospero De Vera na nakarating sa kanila ang impormasyon na may dalawa silang komisyoner ang nagsasagawa ng board meeting na sobra sa itinatakda ng regulasyon at masyadong magastos na ipinasasagot naman sa hawak nilang SUCs.
Ayon kay De Vera, maglalabas siya ng memorandum kung saan nakasaad ang tamang kilos ng mga chairman designate sa iba’t ibang SUCs at LUCs.
Kahit hindi direktang pinangalanan ng mga senador sa pagdinig, itinanggi nina CHED Commissioners Dr. Aldrin Darilag at Dr. Jo Mark Libre na sangkot sila sa anomalya.
Itinanggi rin ni Darilag ang alegasyon na nagtungo ang kanyang asawa sa Canada at nagpakilalang kinatawan ng CHED.
Sinabi naman ni Libre na lahat ng alegasyon laban sa kanya ay maituturing na organized attack sa kanyang integridad.
Iginiit din ni Libre na lahat ng board meeting nila ay isinasagawa sa mga conference hall ng SUCs.
Ang dalawang komisyonado ay may hawak na tig-24 SUCs.
(DANG SAMSON-GARCIA)
