2 DAYUHAN INARESTO SA MONEY LAUNDERING, CYBERCRIME

INANUNSYO ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto sa dalawang dayuhan mula sa Taiwan at South Korea, na nahaharap sa deportasyon dahil sa sa pagiging wanted sa iba’t ibang kaso sa kanilang bansa.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, inaresto ang dalawang dayuhan sa magkahiwalay na operasyon sa mga lungsod ng Makati at Parañaque, ng mga operatiba ng BI Fugitive Search Unit (FSU). Kinilala ang mga ito na sina Taiwanese national Li Ming Hsiu, 44, at South Korean Joo Han Wong, 39.

Sina Joo at Li ay ibabalik sa kanilang bansa kung saan sila wanted ng mga awtoridad, upang harapin ang kanilang kaso, at ituturing na blacklisted upang maiwasan na muli silang makapasok sa bansa.

Ayon kay BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy, si Li ay wanted sa Taiwan dahil sa paglabag sa Money Laundering Act, miyembro ng isang sindikato na sangkot sa large-scale money laundering, at nakapanloko sa kanyang mga biktima ng mahigit P78 billion.

Nagpalabas naman ng warrant of arrest ang Seoul Dongbu District laban kay Joo dahil sa pagkakasangkot nito sa cybercrime activities kung saan gumawa sila ng isang computer program upang makapang-hack at makakuha ng personal na impormasyon sa mahigit 66,500 personal messaging application accounts at saka nila ibinebenta sa third party.

(JOCELYN DOMENDEN)

41

Related posts

Leave a Comment