2 DRUG GROUP MEMBERS, 2 PA TIMBOG SA RIZAL

RIZAL – Nasukol ang apat na katao sa isinagawang buy-bust operation ng Rizal PIU sa Sitio Tadlak, Brgy. Looc, sa bayan ng Cardona sa lalawigang ito, nitong Huwebes ng madaling araw.

Iniulat ni Rizal Police Provincial Director, Police Colonel Dominic L. Baccay, kay Calabarzon Acting Regional Director Police Brigadier Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang pagkakaaresto sa mga suspek na sina John Carlo Santos y Roldan, alyas “Dune”, lider ng John Carlo Santos drug group; Janie Sesbreño y Toleno, miyembro; at dalawang high value individual na sina Mark Nelson Belleza y Tiomico, at Efraim Hernandez y Labitag.

Ayon sa ulat, nabatid na isang alyas “Dune” na kilalang lider ng John Carlo Santos drug group, ang sangkot sa talamak na bentahan ng ilegal na droga sa Cardona.

Bunsod nito, nagkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Rizal PIU at Cardona MPS na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang 10 sachet ng umano’y shabu na may timbang na 50 gramo at tinatayang P340,000 ang halaga, at ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022. (KNOTS ALFORTE)

Related posts

Leave a Comment