2 EX-MTPB MEMBERS TIMBOG SA EXTORTION

ARESTADO ang dalawang dating  miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau ( MTPB) sa aktong nangongotong ng mga motorista sa Quirino Avenue, Pandacan, Manila noong Biyernes ng madaling araw.

Kinilala ang mga suspek na sina Rocky Macarian, 34, may asawa, ng Bo. Barona St., Pandacan, at Jeromie Millel, 43, may asawa, ng Concha Street, Tondo.

Ayon kay Police Major Edward Samonte, hepe ng District Investigation Division-Special Mayor’s Reaction Team ( SMaRT) ng Manila Police District, bandang alas-4:30 ng madaling araw nang maaktuhan ang dalawa habang nagmamando ng trapiko sa nasabing lugar.

Inaresto ang dalawa makaraang maispatan nina Elvin Esguerra at Reynald Dolleton, kapwa empleyado ng Special Operation ng MTPB na nakabase sa ika-3 palapag sa Taft Wing ng Manila City Hall.

Hindi naman nag-aksaya ng panahon sina Major Samonte, kasama ang ilang tauhan nito at inaresto ang mga suspek na nakasuot pa ng uniporme ng MTPB.

Napag-alaman na ilang commuters ang nagpaabot ng reklamo sa opisina ng MTPB dahil sa pangongotong umano ng dalawa.

Hinanapan ng dokumento ang mga suspek upang mabatid kung saan sila nakatalaga ngunit bigo silang ipakita ito sa mga awtoridad.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag  sa Article 177 as amended by Republic Act 379, at Article 179 (Illegal Used of Uniform and Insignia) ng Revised Penal Code.

Nanawagan si Samonte sa mga naging biktima ng mga suspek, partikular ang mga truck driver na dumaraan sa lugar, na agad makipag-ugnayan sa tanggapan ng MPD-SMaRT sa ground floor ng Manila City Hall. (RENE CRISOSTOMO)

48

Related posts

Leave a Comment