2 HOLDAPER TIKLO SA PAMAMARIL SA POLICE CAR

CAVITE – Arestado ang dalawang lalaki habang pinaghahanap ang dalawang iba pa na suspek sa pamamaril sa isang mobile police car sa Bacoor City sa lalawigang ito.

Kinilala ang arestadong mga suspek na sina Greg Saavedra y Legara, 30, ng Olivia St., San Pedro, Laguna, kasalukuyang hospital arrest sa Las Piñas District Hospital dahil sa tama ng bala sa kaliwang balikat, at Rolly Torregosa Bongcales, 38, habang pinaghahanap ang dalawang kasama nila na sina Alvin Mejia Tabirao, nasa hustong edad, at isang hindi pa kilalang lalaki.

Ang apat ay mga suspek sa pamamaril sa isang mobile police car ng Bacoor City Police

Nauna rito, nakatanggap ng tawag ang Bacoor City Police hinggil sa nangyayaring robbery incident sa Bahayang Pag-asa, Molino 3, Bacoor City dakong alas-5:00 noong Sabado ng umaga.

Kasalukuyan namang nagsasagawa ng Oplan Sita at police visibility sa lugar sina Pat. Jopeth Kym Jap at Pat. John Carlo Gigantoca, kapwa nakatalaga sa Mobile Patrol Sector 1, Mobile Alpha 3 ng Bacoor CPS, lulan ng kanilang mobile patrol car, nang paulanin  ito ng bala ng mga suspek na sakay ng isang pulang Toyota Wigo na may plakang DAY 1667.

Humingi ng police assistance ang mga sakay ng mobile police patrol at hinabol ang nasabing sasakyan hanggang sa nagkaroon ng palitan ng putok at tinamaan si Saavedra at naaresto naman si Bongcales.

Nakuna sa mga suspek ang isang .38 kalibreng baril at apat na bala, isang granada, dalawang cellphone at P5,000 cash na pagmamay-ari ng mga biktimang sina Roland Barrion y Geocado, 19, at Rodel Elizalde Baldeo, 20, kapwa estudyante. (SIGFRED ADSUARA)

37

Related posts

Leave a Comment