2 KALSADA SA QC IPAPANGALAN KAY SEN. MIRIAM DEFENSOR

ISANG panukalang batas ang inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para ipangalan kay yumaong dating Sen. Miriam Defensor-Santiago ang dalawang kalsada sa Quezon City.

Sa House Bill (BH) 6576 na inakda nina Isabela Rep. Antonio “Tonypet” Albano, Quezon Reps. Arjoy Atayde at Marvin Rillo, nais ng mga ito na palitan ang pangalan ng Agham Road at BIR Road  sa Quezon City at gawing “Senator Miriam Defensor-Santiago Avenue.”

Ayon sa tatlong mambabatas, isang “fitting recognition” sa mga nagawa at kontribusyon ng dating senadora sa sambayanang Pilipino noong nabubuhay pa ito, ang pagpapangalan sa kanya sa dalawang nabanggit na kalsada sa lungsod.

“Senator Miriam Defensor-Santiago was a brilliant legal luminary who lived a life dedicated to public service. She brought honor and pride to the country by being the very first Filipino and first Asians in the United Nations to be elected as a judge of the International Criminal Court,” ayon sa nasabing panukala.

Noong 1983, si Defensor-Santiago ay naging pinakabatang presiding judge ng Quezon City Regional Trial Court, at nagkaroon ng reputasyon dahil sa kanyang “strict impartiality” pagdating sa batas.

Bago naging senador sa mahabang panahon ay naging commissioner ito ng Bureau of Immigration at kalihim ng Department of Agrarian Reform (DAR) at tumanggap ito ng iba’t ibang parangal tulad ng Ramon Magsaysay Award for Government Service at Quezon Service Cross at pinangalanan din ng Australian Magazine  bilang isa “The 100 Most Powerful Women in the World” noong 1997.

Huling sumabak ang senador sa halalan noong 2016 presidential election subalit natalo at noong noong Setyembre 29, 2016 ay pumanaw ito dahil sa karamdaman. (BERNARD TAGUINOD)

29

Related posts

Leave a Comment