CAVITE – Dalawang lalaki ang naaresto makaraang mahulihan ng baril sa magkahiwalay na lugar sa Cavite City noong Sabado ng hapon.
Kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) sina Alexander Levardo Jr. y Sapasap, 37, at Mark Warren Ambat Bawalan, nasa hustong edad.
Ayon sa ulat, dakong alas-12:30 ang gabi, nagsasagawa ng barangay visitation ang mga operatiba ng MESPO ng Carmona City Police Station sa Patinding Araw, Brgy. Milagrosa ng nasabing lungsod nang humingi ng saklolo ang isang April Santos dahil pinagbantaan siya ng kanyang live-in partner na papatayin.
Tiyempong palabas si Levardo sakay ng isang pampasaherong jeep kaya pinara ng mga awtoridad subalit pinaharurot nito palayo kaya siya hinabol at nakitang itinapon ang isang .38 kalibreng baril na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.
Sa Gen. Trias City, Cavite, dakong alas-1:30 nitong Linggo ng madaling araw nang magsagawa ng Oplan Bakal ang mga operatiba ng Gen. Trias CPS sa Bunso KTV Bar sa Brgy. Biclatan, Gen. Trias City kung saan isang .38 kalibreng baril ang nakuha sa isang customer na si Bawalan. (SIGFRED ADSUARA)
