2 LALAKI INARESTO SA TANGKANG PAGPATAY

ARESTADO sa bisa ng warrant of arrest ang dalawang lalaki dahil sa tangkang pagpatay, makaraang makita sa United Nations Avenue, Ermita, Manila noong Huwebes ng umaga.

Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Orlando Mirando Jr., hepe ng DIDMD ng Manila Police District, ang mga suspek na sina Leonardo Tadeo y Basis, 37, at Cresencio Basis y Pilar, 35-anyos, kapwa caretaker at stay-in sa Crasher Sapang II, Ternate, Cavite.

Batay sa ulat na isinumite ni Police Captain Jerry Campo, hepe ng District Warrant Section, kay Police Major Alfredo Tan, hepe ng Criminal Investigation Section, sa ilalim ni Lt. Col. Mirando, bandang alas-9:30 ng umaga nang mamataan ang dalawa sa nasabing lugar.

Matagal na umanong sinusubaybayan ang dalawa at tiyempo namang nakita ang mga ito ng impormante na agad inginuso sa mga awtoridad.

Hindi na nakapalag ang mga suspek nang arestuhin sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Virgilio Macaraeg ng Regional Trial Court, Branch 37, ng Manila, dahil sa kasong 2 counts ng attempted murder. (RENE CRISOSTOMO)

32

Related posts

Leave a Comment