2 LTO FIXERS TIKLO SA PARAÑAQUE CITY

kulong

INIHAYAG ni Land Transportation Office-National Capital Region-West (LTO-NCR-West) Regional Director Roque I. Verzosa III ang kanilang isinagawang pinaigting na kampanya at pagsisikap para protektahan ang publiko laban sa fixers kasunod ng positibong resulta ng pagkakaaresto sa dalawang suspek sa Parañaque City noong nakaraang Linggo.

Ayon kay Verzosa, ang pinaigting na kampanya ay muling ipinag-utos kamakailan ni LTO Chief Jose Arturo Tugade, sa pamamagitan ng memo circulated agency-wide.

Kinilala ni Verzosa ang hinihinalang fixers na sina Oliver Villanueva y Pastoral, 68, at Jarrie Sibug y Aguilar.

Sa tulong ng PNP Parañaque Police Intelligence Section, sa pamumuno ni Police Maj. Alan Hernandez, ang LTO Parañaque District Office at LTO-NCR-West Regional Law Enforcement Unit ay nagsagawa ng  anti-fixing operation sa Brgy. Moonwalk, Parañaque City na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang suspek.

“We are intensifying our campaign and efforts against fixers to protect the public,” ani Verzosa.

“Asahan ninyo na tuloy-tuloy itong ating magiging operasyon laban sa kanila.”

Sinabi naman ni Florante Martin, ang chief ng LTO Parañaque, ang pagkakadakip sa dalawang suspek ay sa pamamagitan ng paggamit ng social networking site Facebook.

“Na-monitor po namin ito sa kanilang post sa Facebook, so kaya nag-conduct kami ng entrapment operation with the PNP. Confirmed na gumagawa sila ng non-appearance registration sa halagang P9,000 each,” aniya.

Ang mga suspek ay kasalukuyan nakakulong sa PNP Parañaque Custodial Facility. (JOEL O. AMONGO)

18

Related posts

Leave a Comment