2 PATAY, 4 SUGATAN SA TAMA NG KIDLAT SA CAVITE

CAVITE – Dalawang menor de edad ang namatay habang apat na iba pa ang sugatan nang tamaan ng kidlat sa magkahiwalay na insidente sa Gen. Trias City noong Huwebes ng gabi.

Isinugod sa Gen. Trias Medicare Hospital ang mga biktimang sina Xian Agripa Parangan, 10; John Carlo Mira, 9; Vince Angelo Angcaya, 8; Edison Hachero, 16, construction worker, at Jovic Gubat, 24-anyos, construction worker.

Subalit hindi umabot nang buhay sa pagamutan sina Hachero at Parangan.

Kinumpirma naman na isang Daniel Geabo, 22, ang biktima rin ng pagtama ng kidlat sa Sitio Rosa Road, San Francisco, ayon sa ulat ng Gen. Trias CDRRMO.

Ayon sa ulat ni Police Corporal Jhocel Dayumat ng Gen. Trias City, Cavite, nagpapalipad ng saranggola sina Mira at Angcaya dakong alas-5:00 kamakalawa ng hapon sa isang bukid sa Barangay Pasong Camachile II, Gen. Trias City, Cavite nang nakita ito ni Parangan kaya nakisali na rin ito.

Maya’t-maya lamang ay umulan kaya nagsitakbuhan ang mga biktima at sumilong sa isang puno nang kumidlat at tinamaan ang mga ito.

Ayon naman sa ulat ni PSSgt. Ernesto Angue Jr. ng Gen. Trias CPS, katatapos lamang ng trabaho bilang mga construction worker nina Hachero at Gubat, at naghahanda na pabalik sa kanilang barracks ngunit habang nakatayo sa kalsada sa Brgy. Santiago, Gen. Trias City dakong alas-7:30 kamakalawa ng gabi, nang kumidlat at tinamaan ang dalawa.

Pawang isinugod ang mga biktima sa ospital subalit hindi umabot nang buhay sina Hachero at Parangan. (SIGFRED ADSUARA)

26

Related posts

Leave a Comment