RIZAL – Hinihinalang dahil sa onsehan sa illegal drug trade kaya pinagbabaril ng hindi kilalang lalaki ang dalawang umano’y drug personality sa bayan ng Taytay sa lalawigang ito, nitong Lunes ng madaling araw.
Kinilala ang Taytay Police ang mga napatay na si Anthony Ramos Calvo at isang alyas “Potchay”.
Ayon sa report, bandang alas-2:30 ng madaling araw nang mangyari ang krimen sa China St., Sitio Bagong Pag-asa, Brgy. Sta. Ana.
Ka-transaksyon umano ng dalawang biktima ang isang hindi kilalang suspek ngunit humantong ito sa mainitang pagtatalo.
Pagkaraan ay bumunot ng baril ang suspek kaya tumakbo ang dalawang biktima ngunit hinabol sila saka pinagbabaril.
Dead on the spot si Calvo habang naisugod pa sa Amang Rodriguez Memorial Hospital si alyas “Potchay” subalit nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas.
Tumakas naman ang suspek patungo sa direksyon ng Cainta, Rizal. Patuloy pa ang imbestigasyon ng Taytay Police sa insidente. (NILOU DEL CARMEN)
