2 PULIS CAVITE ARESTADO SA PANGMOMOLESTIYA

CAVITE – Hawak na ng Cavite police ang dalawa nilang kabaro makaraang ireklamo ng pangmomolestiya ng isang 18-anyos na babae sa Imus City sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng madaling araw.

Kinilala ang mga inaresto na sina Corporal Bryan Santiago Balajay at P/MSgt. Rey Mendoza Pogoso, kapwa nakatalaga sa Police Community Precinct 1, Imus City dahil sa reklamo ng isang 18-anyos na Grade 12 student ng Bacoor City.

Ayon sa ulat, dakong alas-3:30 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa isang apartment sa Bahayang Pag-Asa Ph 6, Molino V, Bacoor City makaraang makipag-inuman ang biktima kasama ang kanyang live-in partner, isa pang lalaki at ang dalawang pulis.

Makaraan ang ilang oras na pag-iinuman, umakyat na sa kanyang kuwarto ang biktima upang magpahinga ngunit dakong alas-3:30 ng madaling araw nang maalimpungatan ito nang maramdamang minomolestiya siya ni Balajay habang pigil ni Pogoso ang kanyang mga kamay.

Bunsod nito, sinabi umano ng biktima na papayag siya sa gusto ng mga suspek kung bibitiwan ang kanyang mga kamay.

Ngunit bigla siyang bumangon at humingi ng tulong sa kanyang mga kaibigan na naging dahilan upang madakip ang mga suspek. (SIGFRED ADSUARA)

77

Related posts

Leave a Comment