CAVITE – Dalawang rape suspect na kabilang sa listahan ng Most Wanted Persons (MWP)-Regional Level, ang dinakma ng Cavite Police sa bisa ng warrant of arrest, sa isinagawang operasyon sa magkahiwalay na lugar sa lalawigan noong Linggo ng gabi.
Kinilala ang naarestong suspek na sina Jimboy Bantayan y Pabia at Romeo Sta. Ines Jr. y Pastor
Ayon sa ulat, dakong alas-9:00 ng umaga nang nagsagawa ng operasyon ang Gen. Trias Police Warrant Tracker Team laban sa MWPs sa Brgy. San Juan 1, General Trias City, Cavite na nagresulta sa pagkakaaresto kay Bantayan.
Si Bantayan ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest dahil sa kasong statutory rape sa ilalim ng Art. 266, na inisyu ni Presiding Judge Flordeliz Cabanlit Fargas, ng Family Court, Branch 5, Trece Martires City, Cavite, at walang inirekomendang piyansa.
Wala ring inirekomendang piyansa kay Sta. Ines na nadakip ng mga operatiba ng Cavite Provincial Intelligence Unit, dakong alas-10:45 ng gabi sa Brgy. Cabulusan, Gen. Emilio Aguinaldo (GEA), Cavite.
Ang pagkakaaresto kay Sta. Ines ay dahil sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Raquel Ventura Aspiras-Sanchez, ng Family Court, Branch 3, Tagaytay City, Cavite dahil sa kasong rape.
(SIGFRED ADSUARA)
