2 SUMALISI SA CONSTRUCTION SITE BULAGTA SA SHOTGUN NG SEKYU

PINAGHAHANAP ng mga tauhan ni Police Lt. Col. Ronaldo Lumactod, hepe ng City of San Jose del Monte,  ang isang security guard na namaril sa dalawang lalaki noong Sabado ng gabi sa loob ng Bria Homes, Subdivision sa Brgy. Muzon, CSJDM, sa Bulacan.

Kinilala ang suspek na si Joven Macatigos Torino, 39, security guard ng Jericho Security Service Agency at kasalukuyang naninirahan sa Block 41, Lot 24, Phase 1, San Jose Heights, Brgy. Muzon, CSJDM.

Kasalukuyang nilalapatan ng lunas ang dalawang biktima na sina John Billy Tipasi y Domingo, 30, at Albert Medino y Pulgar, 33.

Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon na binaril umano ng sekyu ang dalawang lalaki matapos na pumuslit sa loob ng ginagawang subdivision at nagnakaw ng construction materials sa itinatayong units.

Sa salaysay naman ng isang tumatayong testigo na kinilalang si Aldrin Pacis, 39, security guard ng Primecitadel  Security Agency, ang suspek ang siyang guard on duty at nakatokang magbantay sa ginagawang mga bahay sa Bria Subdivision.

Naatasan umano ang suspek na huwag magpapasok sa newly constructed subdivision nang walang pahintulot dahil sa mga nagaganap na nakawan.

Sinasabing tatlong kalalakihan ang pumuslit sa loob nang kumagat ang dilim subalit hindi katagalan ay nakita sila ng guard on duty kaya mabilis na tumakas tangay ang ninakaw na construction materials dahilan para barilin nang dalawang ulit ng guwardya ang mga magnanakaw gamit ang kanyang issued firearms.

Dinala ng nagrespondeng mga barangay tanod ang dalawa sa Hospital ng Lungsod ng San Jose del Monte sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang nakatakas naman isa pang kasamahan ng mga ito.

Mabilis ding tumakas ang guwardya matapos ang pamamaril bitbit ang ginamit na 12 gauge shotgun with serial no.1073473.

Ayon kay Col. Lumactod, patuloy ang follow-up investigation sa kaso. (JESSE KABEL RUIZ)

42

Related posts

Leave a Comment