ARESTADO ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga makaraang madakip sa ikinasang buy-bust operation sa Moriones Street, Barangay 47, Tondo, Manila nitong Huwebes ng madaling araw
Kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang mga suspek na sina Norhayle Solaiman, 42, ng Tondo, Manila, at Renato Fontanilla, 59, ng Quezon City, nakumpiskahan ng umano’y mahigit P5 milyong halaga ng shabu.
Ayon sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Rosalino Pabalan Ibay Jr., commander ng Manila Police District – Moriones Police Station 2, naglatag ng buy-bust operation ang mga awtoridad dakong ala-1:20 ng madaling araw, sa pangunguna ni Police Staff Sergeant Jimmy Boy Fajardo, kasama sina Police Corporal Ronnel Salarda, Police Corporal Jeric Retarino, nakatalaga sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa nasabing lugar na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang 750 gramo ng umano’y shabu na nagkakahalaga sa P5,100,000 ang street value.
(RENE CRISOSTOMO)
185