200 KATAO NAOSPITAL SA FOOD POISONING

AGUSAN DEL SUR – Umabot sa 216 katao ang isinugod sa iba’t ibang ospital sa bayan ng Esperanza sa lalawigan, nang makaramdam ng mga sintomas ng food poisoning noong Lunes ng gabi.

Ayon sa report ng Provincial Health Officer ng Agusan del Sur, ang karamihan sa mga biktima ay Indigenous People na mga residente ng Barangay Tandang Sora na na-displace dahil sa mga pagbabaha sa lugar bunsod ng nagdaang LPA at mga pag-ulan.

Ayon kay Dr. Jacqueline Frances Momville, Provincial Health Officer of Agusan del Sur, nagsimulang isugod sa Esperanza Medicare Community Hospital ang mga biktima dakong alas-6:00 ng gabi nang makaramdam ng pananakit ng tiyan, pagkahilo, pagsusuka at diarrhea.

Hanggang noong Martes, 99 na pasyente ang nasa Esperanza Community Hospital, 14 sa Bayugan City Hospital, at 10 ang nasa D.O. Memorial Hospital.

Sa inisyal na pagsisiyasat, sinasabing food poisoning ang dahilan ng pagkaka-ospital subalit patuloy pa itong iniimbestigahan ng mga awtoridad.

Isa pa sa tinitingnang dahilan ay ang kinain ng mga ito mula sa tulong ng ilang ahensya ng pamahalaan para sa evacuees.

Tinitingnan din ng health officials ang pinanggalingan ng tubig na ininom ng mga biktima.

Maaari anilang na-contaminate ang water source dahil sa nagdaang mga pagbaha.

(NILOU DEL CARMEN)

171

Related posts

Leave a Comment