KULANG ang mga ‘sundalo’ ng Pilipinas na lumalaban sa hackers dahil umabot lang sa dalawang daan ang mga ito.
Ito ang nabatid mula sa isang mambabatas sa Kamara kaya iginiit nito sa gobyerno na mamuhunan para magkaroon ng sapat na puwersa ng cybersecurity specialists sa bansa at maproteksyunan, hindi lamang ang seguridad ng mga Pilipino, kundi ang mga institusyon sa bansa.
“We have a clear and present danger to our individual, collective, and national cybersecurity. Hence the urgent need for quick solutions,” ani Bohol Rep. Alexie Tutor, kaya nais nito na maglaan ang State Universities and Colleges (SUCs), Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education Skills Development Authority (TESDA) ng pondo para sa training ng mga IT graduate na gustong magkaroon ng lisensya bilang mga cybersecurity specialist.
Kailangan na kailangan aniyang madagdagan ang mga cybersecurity specialist/professionals upang matapatan ang cyber criminals na nagha-hack sa sistema ng mga ahensya ng gobyerno at nagnanakaw na impormasyon para ipa-ransom.
Pinakahuling biktima ng ransomware ng grupong Medusa, ang Philippine Health Insurance Corp., (PhilHealth) na ipinatutubos ng P17 million ang mga impormasyon ng mga miyembro na kanilang ninakaw.
Dahil dito, nais ng mambabatas na madagdagan ang cybersecurity experts dahil habang tumatagal ay parami nang parami ang hackers at nagiging eksperto ang mga ito at sinasamantala ang kakulangan ng puwersa ng gobyerno para sila ay tapatan.
“Some or all of the current 200 certified cybersecurity experts could be mobilized to teach. Trainees can be selected from recent and old graduates of IT, accounting, finance, and criminology degree programs,” ayon pa sa mambabatas.
Dapat din aniyang labanan ito ng mga pribadong kumpanya para maproteksyunan ang kanilang mga kliyente laban sa cybercriminals ngayong panahon ng digital age.
(BERNARD TAGUINOD)
