TINATAYANG 2,000 rehistradong preso mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ang lumahok at bumoto ng kanilang kursunadang kandidato sa loob mismo ng piitan.
Sa kalatas ng NBP, naging maayos at payapa ang halalan sa hanay ng mga “persons deprived of liberty” na tumungo sa itinakdang polling precinct sa Visitation Area na matatagpuan sa loob ng NBP Compound ng nasabing lungsod.
Ayon kay Jayferson Bonas na tumatayong hepe ng NBP – Maximum Security Compound, walang anumang naitalang aberya sa isinagawang botohang nagsimula kahapon ng umaga at natapos bandang alas 12:00 ng tanghali – dalawang oras na mas maaga kumpara sa deadline na itinakda sa hudyat ng alas 2:00 ng hapon. (LILY REYES)
126