BINUWELTAHAN ni Vice President Sara Duterte ang mga mambabatas sa Kamara at sinabing sa kanya talaga ang 2022 presidency ngunit nagbigay-daan lamang siya.
Pinagbatayan umano ni VP Sara ang mga survey at pagkakaisa ng mga tao para sa kanyang kandidatura.
“The presidency of 2022 was mine already. Nanalo na ako sa surveys, lahat ng tao solid na, united na for my candidacy. Pero I gave it away because I felt I had to do some other things other than being president of the Republic of the Philippines,”ayon kay VP Sara.
Kaya, malabo aniya na siya ang dahilan ng kaguluhan ngayon sa pulitika tulad ng sinasabi ng ilan sa Kamara.
Matatandaang, sinabi ni VP Sara na sarili niyang desisyon na huwag tumakbo sa pagka-pangulo noong 2022 dahil nais lamang nito na ipagpatuloy ang kanyang termino sa Davao City sa oras na iyon.
“Hindi talaga nagsabi si Pres. Duterte na tumakbo ako for president. And even if, nagsabi siya, hindi rin talaga ako tatakbo for president,” ang sinabi pa ni VP Sara.
Giit naman nito na ang ‘maltreatment’ di umano ng mga kongresista lamang ang dahilan ng political chaos.
“Pangalawa, hindi ako ‘yung nagsabi sa kanila na magbukas sila ng investigation or inquiry in aid of legislation that is more likely political persecution and harassment of OVP personnel,” ayon kay VP Sara.
“So, ‘wag nila akong i-gaslight into saying na ako ang dahilan ng kaguluhan na ito. Ang kaguluhan na ito ay nagsimula sa terrorism nila, sa harassment nila, sa threats nila sa mga personnel ng Office of the Vice President,” aniya pa rin.
‘Destiny Ang Presidency’
Para naman sa isang administration solon, bahagi ng paglilihis ni VP Sara sa isyu ng kwestiyonableng paggamit ng confidential funds ang pagsasabing “kanya ang presidency noong 2022” at nagparaya lamang siya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Then why didn’t she run if she had it in the bag? Dapat tumakbo siya (sa presidency noong 2022),” ani House Assistant Majority Leader Pammy Zamora ng Taguig City.
“I mean, 2025 na eh, ngayon mo pa sasabihin ‘yan? The presidency, kita naman nating lahat sa history, destiny ‘yan. Eh kung talagang para sa kanya ‘yun, then dapat para sa kanya ‘yun,” dagdag pa nito.
Kamakalawa ay sinagot ni Duterte ang pahayag ni Zambales Rep. Jay Khonghun na may kinalaman ang 2028 presidential election sa mga kaguluhan sa pulitika na nangyayari ngayon sa bansa.
Samantala, itinanggi rin ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na bahagi ng harassment at paninira sa Bise Presidente ang imbestigasyon sa confidential funds na ginamit umano sa maling paraan.
“What we are trying to exercise here is the mandate of the legislature. The only way for us to find out is to hold these inquiries and to hold anybody accountable. ‘Yun lang naman talaga ‘yung gusto nating mangyari in aid of legislation,” paliwanag ni Adiong. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)
32