248 PAMILYA INILIKAS DAHIL SA CHEMICAL SPILL SA BATANGAS

BATANGAS – Umabot sa 248 pamilya at ilan pang mga indibidwal ang inilikas matapos maapektuhan ng chemical spill sa baybaying dagat ng bayan ng Bauan sa lalawigan.

Ayon sa report ng Bauan PNP, ang inilikas ay mga residente ng Brgy. San Miguel na pansamantalang dinala sa open parking lot sa Brgy. Bolo sa Bauan.

Ayon sa imbestigasyon ng Bauan Police, dakong alas-11:00 ng umaga noong Sabado nang magsimula ang chemical spill matapos na tumagas mula sa isang storage tank ng IMPEX company terminal sa Bauan ang Solvent Naphtha L, isang uri ng kemikal na ginagamit bilang diluter at thinner sa pintura.

Ayon sa pagsisiyasat ng Marine Environmental Protection Group, (MEPGRU STL-Batangas), tumagas ang kemikal matapos na lumuwag ang drain plug ng storage tank at ang control valve nito.

Umabot sa mga kanal ang kemikal at umagos patungo sa baybaying dagat.

Naapektuhan din nito ang nasa 6,000 square meters na residential area na tinitirahan ng mga residenteng inilikas.

Nakontrol ang chemical leak pasado alas-3:00 ng hapon at agad itong nilinis ng mga awtoridad.

Gayunpaman, inisyuhan ng Philippine Coast Guard ang kompanyang may-ari ng terminal ng Marine Pollution Inspection/Apprehension Report dahil sa paglabag nito sa HPCG MC 11-14 o ang Memorandum Circular na inilabas ng PCG noong 2014, na nagtatakda ng mga alituntunin hinggil sa mga paglabag na may kinalaman sa mga proseso ng pagtatapon ng mga basura at iba pang toxic waste sa loob ng Philippine Maritime Jurisdiction.

(NILOU DEL CARMEN)

222

Related posts

Leave a Comment