NASA 28 indibidwal ang nasagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard habang apat ang nawawala matapos lumubog ang isang dive yacht sa karagatang sakop ng Tubbataha sa Palawan nitong linggo ng umaga.
Base sa ulat ng PCG, bandang alas-6:49 ng umaga nang makatanggap ng impormasyon mula sa Coast Guard District Palawan kaugnay sa lumubog na M/Y Dream Keeper.
Agad ipinadala ng PCG ang BRP Melchora Aquino (MRRV-9702) upang magsagawa ng search and rescue operations.
Tumulong din ang Coast Guard Substation Tubbataha sa nasabing operasyon kasama ang iba pang dive boats sa lugar.
Ayon kay PCG spokesperson Commandant Armand Balilo, kabuuang 32 ang sakay ng Yate kabilang dito ang 15 crew; 12 passenger/guest at 5 dive master. (RENE CRISOSTOMO)
