3 MOTORCYCLE RIDERS PATAY SA AKSIDENTE

CAVITE – Patay ang tatlong motorcycle riders sa aksidente sa kalsada sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigang ito, noong Huwebes ng umaga.

Isinugod sa Las Piñas General Hospital and Trauma Center ang biktimang si Jomar Diolata y Abellano, 31, ng Western Bicutan, Taguig City, habang sa Gen. Trias Medicare Hospital isinugod si Yrish Kate Arajo Lumagui, 22, ng Brgy. Pasong Camachile 1, Gen. Trias, City subalit kapwa idineklarang dead on arrival dahil sa mga pinsala sa katawan.

Samantala, dead on the spot si Victorico Galit y Deguia, 53, isang barangay tanod, ng Sitio Bangbang, Brgy. Castanos Cerca, Gen. E. Aguinaldo, Cavite dahil sa malakas na pagkakatama ng katawan sa pader.

Ayon sa ulat, dakong alas-7:40 ng umaga, minamaneho ni Diolata ang kanyang motorsiklong Yamaha Sniper at binabagtas ang kahabaan ng Aguinaldo Highway patungo sa southbound direction ng Imus City.

Ngunit pagsapit sa Brgy. Niog 1, Bacoor City, Cavite ay nabangga nito si Leonardo Palmares y Delos Santos, 69, ng Niog 1, Bacoor City, Cavite na sakay ng bisikleta na nakahinto sa tapat ng isang bakery.

Dahil dito, nawalan ng kontrol sa pagmamaneho si Diolata kaya bumangga ito sa poste ng kuryente na nagresulta sa kanyang matinding sugat. Sugatan din sa insidente si Palmares.

Minamaneho naman ni Lumagui ang kanyang motorsiklo habang binabagtas ang kahabaan ng Gov. Ferrer Drive sa Brgy. Prinza, Gen. Trias City, Cavite ngunit pagsapit sa isang palikong bahagi ng kalsada nang nawalan siya ng kontrol sa kanyang manibela at bumangga sa isang pader na nagresulta sa kanyang kamatayan.

Agad namang binawian ng buhay si Galit nang sumalpok ang minamanehong motorsiklo sa isang pader sa Brgy. Brgy. Castanos Cerca, Gen. E. Aguinaldo, Cavite. (SIGFRED ADSUARA)

163

Related posts

Leave a Comment