3 MTPB ENFORCERS TIKLO SA KOTONG

BINITBIT ng mga operatiba ng Manila Police District Raxabago Police Station ang tatlo umanong nangongotong sa panulukan ng Mel Lopez Boulevard at Moriones St. sakop ng Barangay 123 sa Tondo, Manila noong Lunes ng umaga.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Jericho”, 44; alyas “Almario”, 30, at alyas “Mark”, 35-anyos.

Batay sa ulat ni P/Lieutenant Colonel Rosalino Ibay Jr., commander ng Raxabago Police Station, bandang alas-10:00 ng umaga nang damputin ang tatlong suspek dahil sa sumbong ng isang 37-anyos na truck driver na si alyas “Noel”, ng Tolosa, Leyte.

Ayon sa imbestigasyon ni Pat. Jersan Manaloto, dumulog ang truck driver sa tanggapan ni Ibay, makaraan umanong kotongan siya ng tatlong suspek na pawang nakasuot ng uniporme ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).

Salaysay ng tsuper ng truck, hinuli siya ng mga suspek dahil sa isang traffic violation at hiningian siya ng halagang P1,000.

Nagduda umano ang biktima na hindi tunay na traffic enforcers ang mga suspek kaya nagreklamo ito sa mga awtoridad.

Iniutos naman ni Ibay kay Police Lieutenant Villafranca, ng Intelligence Section, at ng Don Bosco Police Community Precinct, sa pamumuno ni Police Major Billy Rey Cañagan, na magsagawa ng surveillance operation at nang magpositibo ay agad na pinosasan ang mga suspek na nadiskubreng hindi organic na mga miyembro ng MTPB.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa robbery extortion at usurpation of authority. (RENE CRISOSTOMO)

40

Related posts

Leave a Comment