3 NALUNOD SA BEACH SA QUEZON PROVINCE

QUEZON – Tatlong lalaki ang nalunod sa magkahiwalay na insidente sa lalawigang ito, nitong Linggo.

Parehong malalaking alon at masamang panahon ang sinasabing dahilan ng pagkalunod ng mga biktimang pawang bakasyunista at dumayo sa Quezon para mag-outing.

Ayon sa report ng Quezon Police Provincial Office, unang nalunod ang isang rider habang naliligo sa Real Fantasea Beach Resort, sa Brgy. Tignoan, Real dakong alas-8:40 ng umaga noong Linggo.

Ang biktimang si Gabriel Austria Francisco, 29, ay natangay ng malalaking alon habang naliligo kasama ng kanyang kapwa riders mula sa Metro Manila.

Matapos ma-recover, isinugod ito sa Claro M. Recto Memorial District Hospital, sa Infanta, subalit idineklarang dead on arrival ng doktor.

Nailigtas naman ang kasama nitong natangay ng alon na si Andy Corvilla, 26-anyos.

Sa Sariaya, Quezon ay nalunod din ang dalawang bakasyunista mula sa Cavite, habang naliligo sa isang public resort sa Brgy. Talaan Aplaya, dakong alas-2:40 ng hapon noong Linggo.

Kinilala ang mga biktimang si Francis John Amaro, 23, at isang nagngangalang Harold, isang menor de edad.

Ang dalawang biktima, kasama ang apat pang mga kaibigan at kapamilya, ay naliligo sa tabing dagat nang biglang matangay ng malalaking alon patungo sa malalim na bahagi.

Nailigtas ang apat subalit nawala at lumubog na sa tubig ang dalawa.

Agad sinaklolohan ang dalawa ng mga residente at nang natagpuan ay isinugod sa Lucena United Doctor’s Hospital and Medical Center sa Lucena City, subalit magkasunod na idineklara ng doktor na parehong wala nang ng buhay.

(NILOU DEL CARMEN)

269

Related posts

Leave a Comment