CAVITE – Nakumpiskahan ng granada at mga baril ang tatlo katao kabilang ang isang babae, makaraang holdapin ang limang customer sa loob ng isang restaurant sa Bacoor City sa lalawigang ito, noong Huwebes ng hapon.
Nahaharap sa kasong robbery holdup ang mga suspek na sina Jorren Adduro, 25; Benjo Zubiaga y Orario, 28, at Jennifer Santiago, 25, dahil sa reklamo ng mga biktimang sina Joana Joy Cabarlo, 26; Jeb Paolo Buerano, 33; Christha Kyle Dumlao, 19; Von Mckenley Pasamba, 25, at Maria Antonette Valencia, 24.
Ayon sa ulat ni Corporal Edilberto Reyes Jr., ng Bacoor City Police Station, dakong alas-12:47 ng hapon nang dumating ang mga suspek sakay ng motorsiklo at pumasok sa Hungry Humans restaurant sa Avenida Rizal St., Molino 3, Bacoor City at nagpanggap na mga customer.
Pagdating sa loob, naglabas ng baril ang mga ito at nagdeklara ng holdap. Kinulimbat ng mga suspek ang isang Vivo 4335 cellphone mula kay Cabarlo; XIAOMI cellphone mula kay Buerano; IPHONE XR mula kay Dumlao; Realme 85G cellphone at P2,000 cash mula kay Pasamba, at Realme X2 Pro at P1,000 cash mula kay Valencia.
Matapos tangayin ang mga gadget, sumibat ang mga suspek sakay ng kanilang motorsiklo sa direksyon ng Paliparan, Dasmariñas City.
Nagsagawa naman ng follow-up operation ang mga operatiba ng Bacoor CPS at nadakip ang mga suspek sa East Service Road, Sucat, Parañaque City at narekober ang tinangay na cash at gadgets.
Nakumpiska sa mga suspek ang dalawang granada, isang kalibre 9mm na may walong bala, isang kalibre .45 na baril at anim na bala at isang replica ng baril. (SIGFRED ADSUARA)
84