CAVITE – Tatlo ang patay habang apat na iba pa ang inoobserbahan sa ospital kabilang ang itinurong suspek, makaraang sumabog ang isang granada na hawak ng huli habang nag-aaway ang dalawang grupo sa Cavite City noong Miyerkoles ng gabi.
Naisugod pa sa Divine Grace Hospital ang mga biktimang sina Julius Tindoc, Joseph Barrera, Mark Gio Layug at Reymart Patricio subalit namatay habang ginagamot ang tatlong unang nabanggit habang kritikal ang huli.
Sa Philippine General Hospital dinala sina Erickson Valenzuela at Alejandro Dizon habang sa Cavite Medical Hospital naman isinugod si Arjay Camacho na itinurong suspek sa insidente.
Ayon sa ulat ni P/SMSgt. Jonathan Baclas ng Cavite City Police, dakong alas-11:58 ng gabi nang mangyari ang insidente sa Benitez St., Barangay 8, Cavite City kung saan dalawang grupo ng mga kabataan ang nag- aaway hanggang sa nagkaroon ng batuhan at habulan na umabot sa Barangay 11.
Nang dumating ang mga barangay tanod, nakita nila ang isang lalaki na kasama ng isang grupo na may dalang granada at hawak na ang firing pin.
Tinangkang pahupain ang lalaki na may hawak na Granada, ng mga humabol sa kanya subalit nagbanta itong tatanggalin ang pin.
Sa gitna nang pag-aagawan sa granada, natanggal ng suspek ang pin at sumabog dahilan ng pagkamatay ng tatlo at pagkakasugat ng apat kabilang ang may hawak ng granada.
Ang itinurong suspek na si Camacho ay kasalukuyang naka-hospital arrest habang isa pang minor na itinuro ring suspek, ay hawak na ng City Social Welfare and Development (CWSD). (SIGFRED ADSUARA)
