3 PATAY SA AKSIDENTE SA MOTOR SA CAVITE

CAVITE – Patay ang tatlo katao sa tatlong aksidente sa kalsada na kinasangkutan ng motorsiklo sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigan noong Linggo ng gabi.

Kinilala ang mga biktimang sina alyas “Victoriano”, 60, construction worker; alyas “Wilson”, at alyas “John”.

Ayon sa ulat, dakong alas-6:45 ng umaga nang mangyari ang isang insidente sa Saloysuy City Land Road, Purok 7, Brgy. De Ocampo, Trece Martires City.

Minamaneho ni alyas “Dio” ang kanyang motorsiklo na Suzuki Raider at naka-angkas si alyas “Victoriano”, habang motorsiklong Honda TMX ang minamaneho ni alyas “Delfin” at binabagtas ang parehong direksyon galing sa Brgy. San Agustin patungo sa Cityland Subdivision.

Pero pagsapit sa pinangyarihan ng insidente, nag-overtake umano ang minamanehong motorsiklo ni alyas “Dio” sa motorsiklo ni alyas “Delfin” subalit nawalan ng kontrol sa kanyang motorsiklo at sumabit sa motorsiklo ng huli na nagresulta sa pagkamatay ng angkas nito.

Isinugod sa Gen. Emilio Aguinaldo Hospital ang biktima subalit idineklarang dead on arrival.

Aksidente namang nabangga ng minamanehong motorsiklo ni alyas “Abelardo” ang minamanehong motorsiklo ng biktimang si alyas “Wilson” dakong alas-8:30 ng umaga sa Governor’s Drive, Poblacion 1A Road, Ternate, Cavite.

Isinugod ang biktima sa Cavite Municipal Hospital subalit namatay ito habang nilalapatan ng lunas.

Minamaneho naman ng biktimang si alyas “John” ang kanyang motorsiklong Yamaha Mio 125 habang binabagtas ang By-Pass Road sa Brgy. Mangas 2, Alfonso, Cavite dakong alas-7:30 ng gabi.

Pero dahil umano sa mabilis na pagmamaneho ay hindi nito napansin ang concrete barrier kaya bumangga ito.

Isinugod sa Poblete Hospital ang biktima subalit idineklarang dead on arrival.

(SIGFRED ADSUARA)

312

Related posts

Leave a Comment