TATLO katao na tumatawid sa kalsada ang sugatan gayundin ang dalawang motorcycle rider makaraang banggain ng Mitsubishi Montero van sa Tondo, Manila nitong Martes ng umaga.
Sugatan sa banggaan ang dalawang rider ng TMX motorcycle na isinugod sa Mary Johnston Hospital habang sa Tondo Medical Center naman dinala ang tatlong pedestrian.
Samantala, isinailalim sa imbestigasyon ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) si Peter Gerald Carolino, 36, ng Tondo, Manila, driver ng Mitsubishi Montero van.
Base sa ulat na isinumite ni Police Master Sergeant John Mark Bautista, kay Police Major Jaime Gonzales, hepe ng Investigation ng MDTEU, bandang alas-6:30 ng umaga nang mangyari ang insidente sa eastbound lane ng Moriones St. sa panulukan ng Jose Abad Santos St. sa Tondo.
Ayon sa report ng pulisya, habang tinatahak ng Mitsubishi Montero na minamaneho ni Carolino, ang eastward lane ng Moriones Street nang mabangga nito ang dalawang motorsiklo at isang Isuzu truck na minamaneho ni Cedric Cunanan, gayundin ang tatlong binatilyo na tumatawid sa kasala.
Sinasabing nakatulog si Carolino habang minamaneho ang Mitsubishi Montero na nagresulta sa insidente. Nahaharap ito sa kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries and damage to property.
(RENE CRISOSTOMO)
