3 PULIS CAVITE, 1 SIBILYAN NABITAG SA BUY-BUST

CAVITE – Tatlong miyembro ng Philippine National Police (PNP) na nakatalaga sa Dasmariñas City Police Station at isang sibilyan ang naaresto at nasamsam ang tinatayang mahigit sa P1 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Dasmariñas City noong Miyerkoles ng umaga.

Kinilala ang arestadong mga suspek na sina P/SSgt. Tomas Celleza Dela Rea Jr., Corporal Christian Arjul Dayrit Monteverde, kapwa nakatalaga sa Dasmariñas City Police Station; Pat. Jeru Magsalin, nakatalaga sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Dasmariñas City Police, at Jorilyn Magnaye Ambrad. Ang tatlong pulis ay nasa listahan ng high value individuals (HVIs).

Ayon sa ulat, dakong alas-11:15 ng umaga nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng RPDEU 4A, PDEU CAVPPO, Dasmariñas CPS, RIU4A, PDEG-SOU4 at PDEA4A sa Brgy. Salitran 2, Dasmariñas City, na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Nakumpiska mula kay Dela Rea ang isang kalibre 9mm na pistol Glock 17; isang Glock inserted magazine na may 12 bala; apat na unit ng Android phones; wallet na naglalaman ng PNP ID, body bag, coin purse, card holder ng ATM at iba pang IDs, at cash na P1,540.

Nakuha naman mula kay Monteverde ang tatlong gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P24,000; apat na unit ng cellular phones; wallet na naglalaman ng PNP ID, isang kalibre 45 na baril; apat na piraso ng magazine ng kalibre 45; 36 bala ng kalibre 45; body bag, coin purse at cash na P2,000.

Habang kay Ambrad ay kinumpiska ang tinatayang 205 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P1,394,000; dalawa pang gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P13,600; sling bag, checkered pouch, dalawang cellular phones, at boodle money

Sa kabuuan, tinatayang 210 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P1,431,600 ang nakumpiska sa mga suspek.

Naaresto sa follow-up operation ang dalawang pulis at kasama nilang sibilyan dakong alas-11:15 ng umaga habang nadakip naman si Magsalin sa ikinasang hot pursuit operation habang sakay ng isang Toyota Altis na may plakang ABL 6249, matapos magsagawa ng buy-bust  operation sa Brgy. Sta. Cruz, Dasmariñas City dakong alas-12:00 ng tanghali. (SIGFRED ADSUARA)

60

Related posts

Leave a Comment