3 PULIS NAAKTUHANG NATUTULOG SA DUTY

TATLONG tauhan ng Lawton Police Community Precinct ang naaktuhan ni Manila Police District Director P/Brigadier General Andre Perez Dizon, habang natutulog sa loob ng PCP sa sorpresang pagbisita ng opisyal noong Martes ng madaling araw.

Hindi naman sinibak o sinuspinde sa tungkulin ang tatlong pulis na nakatalaga sa Lawton Police Community Precinct sakop ng MPD- Ermita Police Station, dahil naunawaan naman ng heneral ang magiging kalagayan ng mga ito, kaya inilipat na lamang sa ibang presinto.

Ayon sa ulat ni Police Major Philipp Ines, hepe ng Public Information Office (PIO), ang dalawang may ranggong sarhento at isang patrolman ay naaktuhang natutulog sa loob ng nasabing PCP habang  nag-iikot si General Dizon dakong madaling araw.

Nakaupo subalit mahimbing ang tulog sa dis-oras ng kanilang duty ang hindi na pinangalanang mga pulis.

Ayon kay General Dizon, madalas na pinapaalalahanan nito ang kanyang mga tauhan na palakasin ang presensya sa lansangan lalo na ngayong nalalapit ang kapaskuhan.

“Kapag duty, duty! Kailangan nating maging alerto ngayong papalapit na ang kapaskuhan lalo na sa oras ng gabi dahil diyan posibleng lumabas ang mga mapagsamantala at posibleng krimen sa kalsada,” pahayag ni Gen. Dizon.

Ayon naman kay General Estomo, “Habang tulog ang ating mga kababayan, dapat ang mga pulis ay gising na nagbabantay sa lansangan!” (RENE CRISOSTOMO)

21

Related posts

Leave a Comment