3 SASAKYAN SINURO NG TRUCK; 1 PATAY, 4 SUGATAN

ANTIPOLO CITY – Patay ang isang pahinante habang apat pa ang sugatan matapos na araruhin ng 10-wheeler delivery truck na nawalan ng preno, ang tatlong sasakyan sa Marcos highway, Brgy. San Luis, sa lungsod na ito, noong Biyernes.

Ayon sa report ng Antipolo Police, mag-aalas 3:00 ng hapon, palusong ang ten wheeler truck sa kurbadang bahagi ng highway nang mawalan ito ng preno at salpukin ang kasalubong na jeep, tricycle at isang motorsiklo bago sumalpok sa kongkretong poste ng kuryente.

Sa lakas ng pagkasalpok, naputol ang poste at bumagsak sa unahan ng truck na ikinawasak nito.

Naipit ang pahinante na kinilala sa pangalang “Dodong” na nakaupo sa unahan, na ikinamatay nito.

Nasugatan din ang isa pang pahinante na si alyas “Nonoy” na nahulog sa kanal at naipit ng kanang unahang gulong nang tumagilid na truck.

Samantala, nasugatan din ang isa sa tatlong sakay ng tricycle na si Preciosa Guerrero, at ang mag-asawang magka-angkas sa nasalpok na motorsiklo na sina Jimzente Villar at Jemarie Espinosa Villar.

Tinamaan din ng truck ang isang fire hydrant na nasa gilid na kalsada kaya bumulwak ang tubig dito at nagpabaha sa lugar ng insidente.

Ikinustodiya ng mga pulis ang driver ng truck na si Niño Corbito na kakasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide, multiple damage to properties and multiple physical injuries.

(NILOU DEL CARMEN)

143

Related posts

Leave a Comment