3 SELLERS NG REGISTERED SIM CARDS, NABITAG

BINITBIT ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong indibidwal dahil sa umano’y pagbebenta ng registered SIM cards sa magkakahiwalay na operasyon sa lungsod ng Pasay.

Ayon sa ulat na isinumite ng NBI Cybercrime Division (NBI-CCD) kay Director Medardo De Lemos, kinilala ang mga suspek na sina Beverly Cruz, Keone Lebumfacil, at Aljon Reyes.

Nagbunsod ang operasyon mula sa impormasyon na ilang indibidwal ang umano’y nagbebenta ng registered SIM cards sa Facebook, na ginagamit naman umano sa masamang layunin.

Isang account na may pangalang “Nopce Naldz” ang nagkomento sa FB group, na siya ay nagbebenta ng 1,000 piraso ng registered SIM cards.

Dito na nakipagkasundo ang poseur buyer sa nabanggit na account name na magkita sila sa isang convenience store sa Pasay.

Sa nasabing lokasyon, tatlong cards — isang rehistrado at dalawang unregistered, ang ibinigay sa poseur buyer para sa beripikasyon.

Matapos matanggap ang bayad ay saka inaresto si Cruz ng NBI-CCD.

Isa pang FB account na may pangalang “Armando Samling” ang nag-post na nagsasabing mayroong siyang libo-libong “SIM cards for sale”.

Tumangging makipagkita ang poseur buyer kay Samling at sa halip ay sinabing delivery rider ang pi-pick-up nito.

Nakipagkita ang poseur delivery rider kina Lebumfacil at kay Reyes na nagbigay ng SIM cards sa kanya. Matapos tanggapin ang bayad para sa SIM cards ay saka sila inaresto.

Iniharap na sa inquest proceedings sa Office of the City Prosecutors sa Pasay ang mga suspek na sinampahan ng kasong paglabag sa Section 7 ng SIM Registration Act na may kaugnayan sa Section 6 at Section 4 ng Cybercrime Prevention Act of 2022.

(RENE CRISOSTOMO)

112

Related posts

Leave a Comment