3 SUGATAN SA PICK-UP VS KOTSE SA QUEZON

QUEZON – Sugatan ang tatlong sakay ng isang kotse nang sumalpok sa kasalubong na pick-up sa Sariaya By-Pass Road sa Brgy. Pili, sa bayan ng Sariaya sa lalawigang ito, noong Lunes ng hapon.

Ayon sa imbestigasyon ng Sariaya Police, biglang inukopa ng Toyota Hi-Lux pick-up ang linya ng kotseng Mirage kaya nangyari ang insidente dakong ala-1:30 ng hapon.

Sa lakas ng salpukan, wasak ang unahang bahagi ng dalawang sasakyan at nahulog sa malalim na bahagi ng gilid ng kalsada ang kotse.

Sugatan ang 30-anyos na nagmamaneho ng kotse na si Archie Basco Soliman, at ang dalawang sakay nito na sina John Michael Payumo, 50-anyos, product specialist, at John Oliver Santos, 25-anyos, engineer.

Galing Maynila ang mga ito at patungo sa Bicol region nang mangyari ang insidente. Isinugod ang mga ito sa ospital sa Lucena City dahil sa mga sugat sa kanilang ulo at katawan.

Ikinustodiya naman ng Sariaya Police ang driver ng pick-up na si Joel Periña, 50, habang patuloy pa ang imbestigasyon sa kaso. (NILOU DEL CARMEN)

29

Related posts

Leave a Comment