3 SUGATAN SA SUNOG SA PILA, LAGUNA

LAGUNA – Tatlo katao ang nasugatan sa sunog na tumupok sa ilang kabahayan at establisyemento sa isang residential area sa Barangay Sta. Clara Sur, sa bayan ng Pila, sa lalawigang ito, noong Linggo ng gabi.

Ayon sa Pila Police, sumiklab ang sunog sa bahay ng dalawang pamilya, ang Umali at Gonzales family, at kumalat sa ilan pang kabahayan dakong alas-10:48 ng gabi. Nadamay rin sa sunog ang isang sofa bed factory.

Agad nagtulong-tulong ang mga residente para sugpuin ang apoy. Ilang minuto pagkaraan ay nagresponde ang mga tauhan ng Pila BFP.

Umabot sa unang alarma ang sunog. Nang maapula ang apoy dakong alas-12 ng madaling araw, tatlong hindi pa kilalang sugatang mga indibidwal ang isinugod sa Laguna Medical Center.

Inaalam pa ng pulisya ang dahilan ng sunog at ang kabuuang halaga ng pinsala nito.

(NILOU DEL CARMEN)

214

Related posts

Leave a Comment