3 TERORISTA PATAY, 7 ARESTADO SA ENGKWENTRO SA LANAO DEL SUR

NAUWI sa madugong engkwentro ang pagsisilbi lang sana ng search warrant ng mga awtoridad nang pumalag ang mga pinaghihinalaang kasapi ng teroristang grupong Dawlah Islamiyah sa Barangay Matampay Dimarao, Bubong, Lanao del Sur.

Kinilala ang mga napatay na umano’y terorista na sina Bashir Marcarangcat, Sowaib Macarangcat at Abdulatip Ripag na agad namang kinuha ng kanilang mga kaanak para mailibing batay sa paniniwalang Islam.

Nadakip naman sina Saynolla Tigunogon, Aslani Ripag, Acmali Sarip, Anwaar Aragon, Salik Maulana, Nasrudin Acob at Sultan Macalawan Macarambon Maulana.

Ayon kay Lanao del Sur Police Provincial Office spokesperson Police Maj. Alvinson Mustapha, nagkasa ng law enforcement operation ang mga tauhan ng PNP CIDG-BARMM para maghain ng search warrants base sa kumpirmadong intelligence report hinggil sa pag-iingat ng mga baril at ilegal na droga ng mga suspek.

Ngunit bago pa umano makalapit ang mga awtoridad ay sinalubong na sila ng bala na nauwi sa engkuwentro nang gumanti na ang mga tauhan ng pamahalaan.

Nasamsam sa lugar ng sagupaan ang M-16 rifle; dalawang kalibre 45 na baril; granada; rifle grenade; rifle scope; sari-saring mga bala; 10 gramo ng suspected shabu at iba pang mga ebidensiya. (JESSE KABEL RUIZ)

171

Related posts

Leave a Comment