3 TIMBOG SA PAGPATAY SA NEGOSYANTE

ORIENTAL, MINDORO – Arestado ang tatlong suspek sa pagpatay sa isang negosyanteng kapatid ng dating municipal councilor sa bayan ng Pola sa lalawigang ito.

Kinilala ng Pola Municipal Police ang naarestong mga suspek na sina Michael Matining, umano’y  gunman sa pagpaslang sa biktimang  si Aristotle Rivas; Michael Hugo, driver ng get-a-way motorcycle, at Aljun Valencia, nagsilbing look-out, pawang mga residente ng Barangay Fortuna, Socorro, Oriental Mindoro.

Si Hugo na nakatala bilang no. 5 most wanted person, provincial level, ay naaresto noong Enero 24, 2023 sa Barangay Sta. Clara, Batangas City.

Si Valencia No. 9 most wanted, provincial level, ay nahuli sa parehong petsa sa Barangay Alangilan, Batangas City.

Si Matining, rank no. 8 sa most wanted persons sa probinsya, ay naaresto rin sa parehong petsa sa Barangay Bolbok, Batangas City.

Ang tatlo ay akusado sa pagpatay kay Rivas na binaril habang kumakain sa isang food stall sa Pola Public Market noong Hunyo 13, 2022.

Dead on the spot ang biktima dahil sa tama ng bala ng baril sa kanyang ulo.

Tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo na narekober ng mga pulis sa isang bodega sa Barangay Fortuna, sa katabing bayan ng Socorro, may 12 kilometro ang layo sa pinangyarihan ng insidente. (NILOU DEL CARMEN)

167

Related posts

Leave a Comment