3 TODAS SA AKSIDENTE SA BATANGAS

BATANGAS – Tatlo ang patay sa dalawang magkahiwalay na aksidente na kinasangkutan ng dalawang motorsiklo at dalawang truck sa lalawigang ito, noong Sabado.

Unang namatay sa aksidente sa Brgy. Manghinao Proper, sa bayan ng Bauan ang 21-anyos na si Raeniel Garcia, isang production operator.

Sa report ng Bauan Police, dakong alas-1:45 ng madaling araw, minamaneho ng biktima ang kanyang Suzuki motorcycle sa national highway nang sumalpok ito sa kaliwang bahagi ng kasalubong na Freightliner trailer truck na minamaneho ni Joel Nayre, residente ng Masambong, Quezon City.

Tumilapon ang biktima at ang backrider nito na si Mark Vincent Suarez, 20-anyos, isa ring production operator.

Kapwa dumanas ng mga grabeng pinsala sa katawan ang dalawa na isinugod sa ospital subalit idineklarang dead on arrival si Garcia.

Ayon sa pulisya, nakainom si Garcia nang mangyari ang aksidente. Nasa kustodiya na ng mga pulis ang driver ng truck.

Samantala, nangyari naman ang isang aksidente sa Lipa-Alaminos national road sakop ng Barangay Dagatan, Lipa City, nang ang sinasakyang motorsiklo ng mga biktimang sina Rico Javier, 42, taga Brgy. San Isidro Candelaria, Quezon, at Olga Casingal, backrider, 45, residente ng Brgy. Looc, Calamba City, ay masalpok ng kasalubong na closed van truck na minamaneho ni Rolly Ferrel y Custodio, 31, taga Sto. Tomas, Batangas dakong alas-6:00 ng umaga.

Batay sa police report, nag-overtake ang truck sa isang sasakyan at sinakop ang linya ng kasalubong kaya nasalpok ang motorsiklo.

Grabeng napinsala sa kanilang katawan ang dalawang biktima na kapwa binawian agad ng buhay.

Agad namang naaresto ng mga pulis ang driver ng truck. (NILOU DEL CARMEN)

70

Related posts

Leave a Comment